Actions

Work Header

Sa Ilalim ng mga Nagkikislapang Bituin

Summary:

Malalim na ang gabi. Nailahad na ni Klay ang katotohanan sa lahat.

Matapos ang pagpaplano at mahabang araw na sinuong nila, paano at saan siya magpapahinga?

Notes:

(See the end of the work for notes.)

Work Text:

Punong-puno ang araw ni Fidel, ngunit higit na mas puno ang kaniyang puso ngayong nasa piling na niyang muli ang kaniyang pinakamamahal - ang kaniyang puso, buhay at hininga.

 

Sinong mag-aakala na sa loob ng labintatlong lumipas sa dilim at dahas ay makikita niya pang muli ang liwanag ng kaniyang mundo? Hangal lamang. Tawagin mo na siyang lubusang hangal, ngunit maghihintay siya kahit ilang taon pa ang lumipas. Hindi naman siya binigo nito.

 

Labintatlong taon at mas lalo kitang minamahal. Ani niya sa kaniyang isip habang pinagmamasdan ang minamahal na makipagkumustahan sa noo'y batang sakristan.

 

Natigilan siya nang marinig ang upuan sa kaniyang tabi na tumunog at laking gulat niya ng makita ang kaniyang amigo na umupo rito habang minamasdan rin ang dalaga. Magkalapit silang muli, ngunit tila may isang malaking pader ang nakaharang sa kanilang pagitan.

 

Inilagay ni Cri- Simoun ang kaniyang dalawang palad sa ulo ng kaniyang baston, tuwid maupo at iba ang kumpyansa nito kumpara sa kaniyang kabataan. Kumpara noon, mas makapangyarihan at maimpluwensya ang wangis nito at tila pinatibay at binago na ng panahon ang kalooban. May mga sandaling lumalabas pa rin ang pagiging maramdamin nito, ngunit mas lamang na ang pagiging lohikal at kalkulado nito sa mga ikinikilos at sinasambit.

 

Labintatlong taon at marami ng nagbago sa iyo.

 

Ibinalik na niya ang pagmamasid sa babaeng paksa ng kaniyang pagtatangi upang hindi na malumbay sa kinahinatnan ng pagkakaibigan nila ni Crisostomo. Patuloy pa rin ang dalaga sa pakikipagtalastasan kay Basilio ukol sa modernong panggagamot.

 

"Nais kong humingi ng dispensa sa aking inasal sa muli nating pagkikita." Sambit ng katabi. Bagamat lubos niya itong ikinabigla ay hindi niya ito ipinakita. Tumango na lamang si Fidel.

 

"Naiintindihan kong magkaiba na ang naging takbo ng ating mga buhay at ng ilang mga prinsipyo na rin, kaibigan." Ibinaba niya ang kaniyang salakot sa kaniyang dibdib at ipinagpatuloy ang kaniyang paliwanag. "Gayunpaman, nagagalak akong makita kang buo at buhay matapos ang labintatlong taon na wala akong balita sa iyo." Aking nag-iisang pamilya.

 

Nilingon niya si Simoun at nakita ang pag-ismid nito. Hindi naman nila namamalayang pinapanood na sila ni Basilio at Klay.

 

"Bueno, tayo ay magpahinga na." Tumayo na ang alahero. "Kailangang pag-usapang muli ang dapat gawin bukas."

 

Natawa si Fidel sa kabalintunaan ng sandaling iyon. Noon, siya ang lohika. Ngayon ay siya naman ang damdamin at prinsipyo. Tunay ngang naiba na ang takbo ng kanilang buhay ng kaibigan at marahil magiging mahirap na ang pagtibag sa pader na namamagitan sa kanilang dalawa. Marami pang tanong si Fidel. Mga tanong na lubos niyang pinagiisipan sa loob ng labintatlong taon. Bakit hindi mo ako hinanap? Ngunit habang minamasdan ang kaibigan ay napapaisip na rin siya kung dapat pa bang ungkatin iyon?

 

Hindi rin naman naging madali kay Fidel ang buhay.

 

Tumalikod na si Simoun at nagtungo sa tutuluyang silid sa bahay nila Padre Florentino. Malalim na ang gabi. Nagbadya na rin ng paalam si Basilio kay Klay makailang sandali kung kaya't ng linguning muli ni Fidel ang dalaga ay papalapit na ito sa kaniya.

 

At napawi ang lahat ng bigat at sakit na kaniyang nadarama.

 

Nakangiti ito na tila nagliliwanag sa madilim at tahimik na gabi. Napakahiwaga, napakaganda.

 

"Ang haba ng araw 'no?" sambit nito at naupo sa kaniyang tabi. Humikab ito na tila pagod na pagod na sa mahabang araw na kanilang sinuong. Dahan-dahan nitong isinandal ang kaniyang ulo sa balikat ni Fidel at dahan-dahan namang inilapit ng binata ang labi sa buhok ng iniibig.

 

"Mmm. Naka-isa ka diyan, ha." Sambit ng dalaga ng maramdaman ang pagdampi ng kaniyang labi sa buhok nito. Napaatras si Fidel sa pag-aakalang hindi ito nagustuhan ni Klay. Hinila naman siya nito palapit sa kaniya at niyakap ang kaniyang braso na parang ayaw nitong mawalay.

 

"O' teka sandali." Ani ni Klay habang yakap ang braso ni Fidel. "Hindi naman ako galit." Doon napangiti si Fidel sa tila pagkahilig kumapit ng dalaga simula ng magkita silang muli.

 

"Ang akala ko'y hahampasin mo kong muli." Biro ni Fidel. Umani ito ng halakhak sa dalaga na batid niya ay naalalang muli ang sandaling hinampas niya ang binata ng mga rosas sa una nilang halik. Umiling ito sa pagtanggi.

 

Para namang nalulunod si Fidel sa kagandahan ni Klay lalo sa malapitan. Kung ang puso niya ay isang baso, ito ay punong puno at umaapaw sa pagmamahal niya sa binibini. Nagkukulay rosas naman ang mga pisngi ng dalaga nang mapansin ang masintahing pagtitig ng binata. Nakadaragdag na rin siguro ang kawalan ng kahit sinong gising pa at tahimik na paligid.

 

Dahan-dahang kinuha ni Fidel ang kamay na nakayakap sa kaniya. Kay-init. Siya ay totoo at hindi panaginip. "Kung gan'on." Sambit niya habang nakatitig sa mga mata ng dalaga. "Ay maaari ko itong gawin?" Tumango si Klay sa pagsang-ayon sa binata. Marahan nitong idinampi ang mga labi sa kaniyang kamay na parang bumubulong ng panalangin. Napakalambot pa rin ng labi ni Fidel sa kaniyang balat na tila talulot ng rosas.

 

"At ito?" Inilipat naman ni Fidel ang halik sa palad ni Klay. At dahil hindi bakas ang anumang pagtanggi sa mukha ng dalaga ay iniakyat niya na ito sa paghalik sa pulsuhan. Napalunok si Klay sa pag-asam. Tuluyan namang ihinarap ni Fidel si Klay sa kaniya at niyapos nito ang kaniyang pisngi. Hinila niya ang tali nito sa buhok upang ito ang bumaba sa kaniyang balikat. Lalong nag-apoy ang damdamin ng binata sa tanawing nasa kaniyang harapan. Tunay na napakaganda at hindi kailanman kukupas.

 

Inilapat ni Fidel ang mga labi sa noo nito. Nakangiti nitong sinunod ang pisngi at ilong ng dalaga. Nang matapos ay isinandal niya muna ang kaniyang noo sa noo ng dalaga habang nilalaro niya ang dulo ng kanilang mga ilong. Nakapikit si Klay, ang mga labi nito'y bahagyang nakabuka sa paghihintay sa kaniya. Mamula-mula at sa palagay niya'y singlambot ng mga ulap. Ilang segundo pa ang lumipas.

 

"Klay, maaari ba kitang-"

 

"Ang tagal, Fidel!"

 

Ito na ang naging hudyat niya upang idampi ang mga labing labingtatlong taong naghintay upang hagkan ang bibig ng maputak na babaeng kaniyang iniibig. Tama nga siya, singlambot ng mga ulap at singtamis ng asukal ang mga labi ni Klay. Bumubuhos ang pag-ibig ni Fidel sa halik na ito at umaapaw pa. Ang paghagkan niya sa pisngi ng binibini ay marahan sa pagkatakot na ito ay mabasag.

 

Mahal na mahal kita, Klay.

 

Mahal na mahal.

 

Mahal na mahal.

 

Sa paghalik na lamang niya ipinahahatid sa dalaga ang pagmamahal niyang walang paglagyan. Sinusuklian naman ito ng binibini sa pagsagot sa kaniyang mga halik.

 

Batid ni Klay na may pagtitimpi si Fidel dahil sa takot na siya ay magalit o masaktan. Labintatlong taon siyang nawala at hindi man lamang niya naipaalam sa binata ang pagmamahal na nararamdaman kaya't hindi na siya nagdadalawang-isip pa pagdating kay Fidel. Hinagkan niya rin ito at mula sa pagiging marahan at mahinhin ay sinuklian ni Klay si Fidel ng mas maapoy at mas mapusok na mga halik. Naglalaro na ang kanilang mga labi at dila na tila hindi nakukuntento sa naaabot ng isa't isa. Hinimlay na rin ni Fidel ang kaniyang kamay sa pang-ilalim na kasuotan ng dalaga, ang mga daliri ay nilalaro paakyat sa tadyang nito. Sinusubukan naman ni Klay na lumapit pa at idiin ang sarili sa binata. Iniangat niya ang kaniyang saya upang makatungtong at makaupo sa kandungan ni Fidel. Inalis niya ang ilang mga butones ng binata at inilalapat ang kamay sa maabot niyang balat.

 

Iisa lang ang gusto nila. Gusto nilang maging isa.

 

Bahagyang tumigil si Klay upang habulin ang hininga. Naging daan naman ito para ibaba ni Fidel ang mga halik sa kaniyang pisngi, tenga at leeg. Parang nahihilo at nawawala sa mga halik na pinawawalan ni Fidel sa kaniyang balat. Napapasinghap at bahagyang napapaungol siya tuwing nararamdaman ang dila at kagat nito.

 

Hinawakan ni Klay ang dalawang pisngi nito upang i-angat ang tingin sa kaniya.

 

"Fidel." Sambit niya habang hinihingal. "Alam kong hindi ko nasabi sa'yo noon.."

 

Tinitigan siya ni Fidel na tila alam na ang susunod niyang sasabihin. Hinalikan niya ito sa ilong. "Alam ko." Sagot niya. "Kahit hindi mo sabihin ay alam ko."

 

"Mahal kita, Fidel."

 

Napangiti sila at muling naglapat ang kanilang mga labi. Sa pagkakataong ito ay wala ng pasubali o pag-aalinlangan. Ang mga halik ay naging magiliw, naging pahinga at naging kaginhawaan, naging sigurado at may pangako.

 

Mahal kita, Fidel.

 

Mahal na mahal.

Notes:

First time ko sa AO3! I am planning to post all my other works na pinost ko sa twitter. Hehe.

Kakahiya, unang post ko tas not for kids.